Tapos Na
(22 downloads)Download this episode (3 min)
Hindi. Hindi ito tungkol sa graduation.
Naalala ko pa nung birthday party ko noong ako'y bata pa. Tuwang tuwa ako sa tuwing paplanuhin ng aking mga magulang ang bawat detalye ng aking kaarawan; mula sa pagkaing ihahain sa hapag hanggang sa regalo nila sa akin para sa araw na yun-- tinatanong pa nga nila ako kung anong gusto ko nun. Matagal tagal na rin ang lumipas mula noong naranasan ko ang pagkabata ko-- lahat nasusunod.
Sa pagbukas ng telon nagsisimula ang istorya sa isang pagtatanghal-- at tuwang tuwa ako sa tuwing bubukas ang ilaw ng teatro't hihilain pabukas ang pulang tela. Dito nagsisimula ang pag-galaw ng mga aktor. Ngunit kalaunan, ito'y magsasara rin at matatapos ang istorya.
Lahat ng bagay ay may simula at siyempre hindi naman natin maiaalis ang salitang katapusan pagkatapos gamitin ang nasabing salita. KATAPUSAN; ang salitang kinamumuhian ng maraming tao dahil sa maraming dahilan.
Iba-iba din naman ang uri ng pagtatapos ng isang bagay at alam kong kaya mo ring sabihin sakin kung anu-ano yon ngunit para hindi ka mahirapan-- eto: Masaya at Malungkot. Dapat nating aminin na mas marami ang naaalala nating malulungkot na pagtatapos kaysa sa masasaya. At patuloy pa rin natin itong hindi kinakalimutan hanggang sa ngayon. Marami ang nagsasabing, "Masasaya laman ang dapat mong alalahanin." Mali rin. Siguro dapat din nating alalahanin ang masasakit na pagwawakas ng kahapong lumipas. Bakit? Upang matuto tayong tumayo sa sarili nating paa at hindi na muling gawin ang pagkakamaling nakamit.
Mahirap mang sabihin ngunit OO, TAPOS NA. Kapag nagtapos ang isang bagay meron itong pagkakataong hindi na maibalik sa dati. Masakit ngunit kailangan na lang din nating tanggapin. Ako na naman siguro ang nasunod sa pagkakataong ito (maski hindi na ito tungkol sa birthday party) ngunit naniniwala akong mas makakabuti ito.
Tumayo. Ipagpatuloy ang lakad. At huwag MUNAng tumingin sa dinaanan. Maging matatag. Matuto. Huwag hihinto sa paglalakad. Yan ang natutunan ko.
Tapos na.
Posted by E.R. at 10:11 AM | 3 comments





palakpak.
haha! JM!
magaling. as usual.